Wednesday, August 20, 2008

Halina’t Magbasa! Bagong Kaalaman ay Tuklasin Na!





Sinasabing ang pagbasa ay mahalagang pundasyon ng edukasyon maliban sa pagsulat at pagbilang. Mula dito nalilinang ang ating abilidad sa pag-unawa ng mga nasusulat na kwento, kuro-kuro, balita, pangyayari atbp. Sa pagbasa rin umuusbong ang ating imahinasyon at natatanging idealismo. Natututunan din nating sumangayon o tumutol sa opinyon ng mga manunulat at makabuo ng sarili nating paninindigan. Masasabi kong malaki ang impluwensya ng hilig sa pagbasa sa ating likas na karunungan.
Sa aking pagsangguni sa iba’t-ibang aklat at reperensiya, nabuo ko ang sarili kong depinisyon ng pagbasa; Ito ay proseso ng pagtunghay, pag-unawa at pagkuha ng ideya, kaisipan o mensahe ng may-akda sa babasahing kanyang isinulat at upang mabigkas nang pasalita ang mga ito. Nakapaloob din sa pagbasa ang pakikipagtalastasan tulad ng pakikinig, pagsasalita, at pagsulat.
Narito ang ilan sa kahalagahan ng pagbasa:
1. Magkaroon ng impormasyon;
2. Makapag-isip nang malalim tungkol sa pansariling ideya at karanasan;
3. Malaman ang ideya at karanasan ng iba;
4. Makasiguro sa sariling paniniwala;
5. Makatuklas ng karunungan sa iba’t ibang larangan;
6. Makakuha ng mabuting aral na gabay sa buhay;
7. Magtamo ng kasiyahan at magamit ng makabuluhan ang oras;
8. Malaman ang makabagong kaalaman, halimbawa sa larangang panteknolohiya;
9. Mahasa ang kaisipan at;
10. Masuri ang imahinasyon.
Ang pagbasa ay bahagi na ng ating pangaraw-araw na pamumuhay. Bawat sulok, bawat lugar, may titik, numero at salita. Sa laki ng papel na ginagampanan nito, nararapat lang na ito ay pagtibayin at paunlarin.

Bigyan natin ng panahon at halaga ang paglago ng ating kakayahan sa pagbasa. Sinasabing sa pagbabasa nagsisimulang makarating sa iba’t-ibang lugar, makakilala ng magiting na personalidad at makapaglalakbay sa iba’t ibang panahon. Ang pagbabasa ay hindi ordinaryong kakayahan, ito ay pangangailangan tulad ng pagkain na nagtatanggal ng uhaw at gutom sa kaisipan.

Busugin ang kaisipan, Halina’t Magbasa, Bagong Kaalaman ay tuklasin na!

Sa pagbabasa malalaman mo ang nakaraan, maiintindihan ang kasalukuyan, at makikita ang kinabukasan.

Labels: , , ,